Gawad Dr. PIO Valenzuela


ANO ANG GAWAD DR. PIO VALENZUELA?

Ang Gawad Dr.Pio Valenzuela ang pinakamataas na pagkilala na ipinagkakaloob ng Pamahalaang Lungsod Valenzuela sa mga mamamayan nito na nagpamalas ng katangi-tanging kahusayan sa kanyang sariling larangan at nagpakitang taos-pusong paglilingkod sa komunidad. Ipinagkakaloob ito tuwing ikatlong taon at iginagawad tuwing ika-11 ng Hulyo kaugnay sa paggunita sa anibersaryong kaarawan ni Dr. Pio Valenzuela.

SINO SI DR. PIO VALENZUELA?

Ipinangalanang Gawad sa pinakadakilang anak ng bayan ng Polo, si Dr. Pio Valenzuela. Ipinanganak siya noong 1869 sa bayan ng Polo, Lalawigan ng Bulacan. Pumanaw sa edad na 86 noong 1956. Pagkaraan ng ilang taon, ipinangalan sa kanya ang bayan ng Valenzuela bilang pagkilala sa kanyang kabayanihan at karangalan na ibinigay sa bayan ng Polo. Ang kadakilaan at kabayanihan ni Dr.Pio ay inspirasyon para sa mga kabataang Valenzuela, lalo na sa kanyang pagiging:
  • Responsableng Mag-aaral.
    Nagsikap si Dr. Pio na matapos ang kanyang pag-aaral ng medisina sa kabila ng napipintong rebolusyon laban sa Espanya. Sa katunayan, si Pio ang may pinakamataas na antas ng edukasyon sa mga nagsilbing lider ng Katipunan.
  • Kabataang Rebolusyonaryo.
    Sa murang edad na 23, sumapisi Dr. Pio sa Katipunan, habang nagtatapos ng medisina. Pagkaraan ng tatlong taon ay kinilala na siya bilang isa sa mga pinakamataas na opisyal ng samahan, patunay sa respeto at tiwala sa kanyang kanyang mga kapwa-katipunero.
  • Responsableng Ama ng Tahanan.
    Sa kabila ng kanyang mga gawain bilang doktor ng mahihirap at lingkod-bayan, naitaguyod ni Dr. Pio ang kanyang pamilya at napagtapos ang mga ito ng pag-aaral. Sa katunayan, kinilala ang angkan ni Dr. Pio bilang “Family of the Year” noong 1953 sa Malacanang.
  • Matapat na Ama ng Bayan.
    Naglingkod siya bilang unang alkalde ng bayan ng Polo noong panahon ng Amerikano at nagsilbi rin siya bilang Gobernador ng Lalawigan ng Bulacan.
  • Mapagkalingang Lingkod ng Bayan.
    Matapos siyang magretiro sa pulitika, inilaan ni Dr. Pio ang kanyang sarili sa pagtulong sa mga kapus-palad. Nagsilbi siya bilang doktor sa mga liblib na baryo at hindi pinagdamot ang kanyang sarili sa panggagamot sa mga may sakit na kababayan.